Shaban

 Big.Font   Small.Font    PRINT  

www.islamchoice.net

In the name of Allah the Most Beneficent the Most Merciful.

 

 Ang Sunnah ng Sugo ni Allah صلى الله عليه وسلم tungkol sa buwan ng Sha’ban

 

Ang Sha’ban ang ika-walong buwan ng Kalendaryong Hijri.  Si Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم ay madalas na mag-ayuno sa mga araw ng buwang ito.  Maraming mga taong kulang ang kaalaman ang nagtatakda ng isang gabi mula sa buwang ito upang manatiling gising magdamag at sumamba kay Allah.  Pinaniniwalaan nilang sinuman ang sumamba kay Allah sa gabing ito ay makakatanggap ng gantimpala katumbas ng isang buong taong mabuting gawain at magiging sapat ito para siya ay makapasok sa Jannah.  Ang tinutukoy nilang gabi ay ang ika-15 gabi ng buwan ng Sha’ban na kung tawagin ng mga tao sa India ay ‘Shabb-e-Baraat’.

Ang mga sumusunod ay tungkol sa ika-15 na gabi ng Sha’ban at ang mga maling paniniwala at gawain na kalimitan ay ginagawa ng mga tao tuwing ito ay sasapit.

Bilang ika-walong buwan ng Kalendaryong Hijri, ito ay nasa pagitan ng dalawang buwang itinuturing na banal ng mga Muslim- ang Rajab at ang Ramadhan.  Si Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم ay madalas na nag-aayuno sa buwan ng Sha’ban.  Sinabi ni Aa’sha:  “Ang Sugo ni Allah صلى الله عليه وسلم ay madalas na nag-aayuno hanggang sa ang akala namin ay hindi na siya kakain, at siya ay kumakain hanggang sa ang akala namin ay hindi na siya mag-aayuno.  Hindi ko nakitang nag-ayuno ang propeta صلى الله عليه وسلم ng buong buwan maliban sa buwan ng Ramadhan lamang, at hindi ko siya صلى الله عليه وسلم nakitang nag-ayuno ng higit na marami kaysa sa buwan ng Sha’ban.” (Bukhari)

Sinabi ni Ibn Rajab:  “Ang pag-aayuno sa buwan ng Sha’ban ay mas mainam kaysa sa pag-aayuno sa mga banal na buwan (tulad ng:  Dhul-Qadah, Dhu-Hijjah, Muharram at Rajab- Surah Tawbah (9):36), at ang pinakamainam na boluntaryong pag-aayuno ay ang pag-aayunong malapit sa buwan ng Ramadhan, bago ito o pagkatapos nito.  Ang estado ng mga pag-aayunong ito ay tulad ng al-Sunan al-Rawatib, na siyang ginagawa bago o pagkatapos ng mga obligadong salah.

Minsan ay may nagtanong sa Propeta صلى الله عليه وسلم tungkol sa madalas niyang pag-aayuno sa buwan ng Sha’ban.  Kanyang صلى الله عليه وسلم sinabi, “Ang Sha’ban ay palagiang hindi pinapansin dahil sa ito ay nasa pagitan ng Rajab at Ramadhan, subalit ito ang buwan na kung kailan ang mga mabuting gawain ay iniaangat sa Panginoon ng Lahat ng mga Nilikha.  Gusto kong ang mga mabubuti kong gawain ay iniaangat habang ako ay nag-aayuno.”(an-Nisa’ee, Saheeh Targheeb wa Tarheeb, p. 425)  Sa pamamagitan nito at iba pang mga ahaadeeth ng Propeta صلى الله عليه وسلم, hinihimok ang pag-gawa ng kabutihan sa mga panahong ang mga tao ay nagiging pabaya sa pag-aalala at pagsamba kay Allah.  Sinabi ni Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم, “Ang sumamba sa mga panahon ng sakuna at kaguluhan ay katulad ng Hijrah (paglilipat ng bayan) para sa akin.” (Saheeh Muslim, 2984)  Ang kagalingan at kabutihan ng pagsamba kay Allah sa mga panahong napapabayaan ng mga tao ang kanilang pag-aalala kay Allah ay dahil sa ang pagsamba sa mga panahong ito ay mas mahirap kaysa sa mga pagsamba kay Allah sa mga panahong ang lahat ng mga tao ay abala sa mga gawaing pagsamba.

Ang pag-aayuno sa buwan ng Sha’ban ay nagsisilbing pagsasanay para sa pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan.  Subalit ang pag-aayuno ng buong buwan ng Sha’ban ay Makrooh (hindi kalugod-lugod)  at hindi naaayon sa Sunnah ng Propeta ni Allah صلى الله عليه وسلم.  Sinabi ni Ibn Abbas:  “Ang Sugo ni Allah صلى الله عليه وسلم ay hindi nag-aayuno ng buong buwan maliban sa buwan ng Ramadhan.”  (Saheeh al-Bukhari) Hindi rin pinapahintulutan ang pag-aayuno sa mga katapusang araw ng buwan ng Sha’ban kung ang layunin ay upang hindi makaligtaan ang unang araw ng Ramadhan.  Subalit, kung ang pag-aayunong ito ay dahil sa ito ay regular o palagiang ginagawa o di kaya ay dahil sa isang panata o bilang kabayaran sa mga obligadong pag-aayunong hindi nagawa at ang mga ito ay nataon sa mga huling araw ng Sha’ban, ito ay pinapahintulutan. Sinabi ni Abu-Hurairah na sinabi ng Propeta صلى الله عليه وسلم, “Huwag pangunahan ang Ramadhan ng isa o dalawang araw, maliban na lamang sa mga taong palaging nag-aayuno, sa ganitong pagkakataon sila ay maaring mag-ayuno.” (Saheeh Bukhari, 1983)  Ang dahilan ng pag-babawal ng pag-aayuno sa mga huling araw ng buwang ito ay upang maihiwalay ang obligadong pag-aayuno sa hindi obligado.  Ito rin ay upang maiwasan ang mahulog sa patibong ng Shaytan na siyang unang naghimok sa mga taong nakatanggap ng mga banal na kasulatan na dagdagan ang mga bilang ng araw ng kanilang pag-aayuno kung kaya sila ay sumobra at lumabag sa kung ano ang ipinag-utos sa kanila ni Allah. Ito rin ang dahilan kung kaya ipinagbabawal ang pag-aayuno sa mga araw na hindi sigurado kung nagsimula na nga ba o hindi pa ang buwan ng Ramadhan dahil sa ang langit ay maulap o sa anumang kadahilanan.

Ang katotohanan sa ika-15 ng Sha’ban

Ang pagtatalaga ng isang partikular na gabi upang sambahin si Allah ay hindi naaayon o kontra sa Sunnah ng Propeta صلى الله عليه وسلم.  Katunayan, mahigpit niyang صلى الله عليه وسلم ipinagbawal ang ganitong gawain.  Kanyang صلى الله عليه وسلم sinabi tungkol sa araw ng Biyernes, “Huwag ninyong ihiwalay ang gabi bago ang araw ng Biyernes upang dito kayo ay sumamba kay Allah, at huwag ninyong ihiwalay ang araw ng Biyernes upang kayo ay mag-ayuno maliban na lamang sa silang regular na nag-aayuno at ang pag-aayuno nila ay nataon sa araw ng Biyernes.”  (Saheeh Muslim, 2546)

Ang araw ng Biyenes ang pinakamabuting araw at dahil sa kagalingan nito, iminumungkahi sa araw na ito ang pag-gawa ng mabuting gawain.  Kung totoong mas mainam ang magtalaga ng isang araw o gabi sa pagsamba kay Allah at maging pabaya sa mga nalalabing araw ng taon, sana ay pinahintulutan ng propeta صلى الله عليه وسلم ang pagtatalaga ng araw ng Biyernes bilang espesyal na araw para sa isang espesyal na uri ng pagsamba, subalit ito ay hindi niya ginawa.  Ang bawat isang alipin ni Allah ay obligadong sumamba sa Kanya sa lahat ng panahon dahil ito ang dahilan ng kanyang pagkakalikha.  Sumasamba ang propeta صلى الله عليه وسلم kay Allah buong taon, lahat ng kanyang gabi at mga araw ay ginugol lamang niya  صلى الله عليه وسلم sa pagsamba kay Allah.

Ang Sunnah ng propeta صلى الله عليه وسلم sa buwan ng Sha’ban ay ang mag-ayuno. Kanyang صلى الله عليه وسلم sinabi.  “.. ang Sha’ban ay buwan na kung kailan ang mga mabubuting gawain ay iniaangat tungo sa Panginoon ng lahat ng mga nilikha.  Nais kong ang aking mga ginawa ay umangat habang ako ay nag-aayuno.” (an-Nisa’ee, Targheeb at Tarheeb, p. 425)  Sinabi rin ng propeta صلى الله عليه وسلم, “Sa ika-15 na gabi ng Sha’ban, si Allah, ang Kataas-taasan, ay nakatingin sa Kanyang mga alipin at pinapatawad ang kasalanan ng lahat maliban na lamang sa mga walang pananampalataya at silang may itinatagong malisya laban sa kanyang kapwa.” (Bayhaqqe, ibn Hibban, at Tabarani na may matibay na saligang hanay ng mga mang-uulat)

Maliban pa dito, karamihan sa mga naiulat tungkol sa kagalingan ng buwan ng Sha’ban lalung-lalo na ang tungkol sa ika-15 na araw nito, kalimitan gawa-gawa lamang o di kaya ay walang matibay na saligan.  Ang mga paham katulad nina ash-Shakawi,  Ibn Jawzi, ibn Hibban, at Qurtubi ay tumatanggi sa pagiging makatotohanan ng mga ahadeeth na ito. (para sa detalye basahin ang al-Fawaaid al-Majmoo’ah, Muodhoo’aat al-Kubra at Tafseer Qurtubi)  Mula sa mga ahadeeth na gawa-gawa lamang ay binanggit na sa araw na ito (ika-15 na araw ng Sha’ban) ay: pinapalaya ni Allah ang mga kaluluwa sa impiyerno na sindami ng mga buhok na matatagpuan sa balat ng mga kambing ng tribong kung tawagin ay Kalb; sinuman ang magsagawa ng 14 na raka’ah na salah sa gabi na ito ay gagantimpalaan ng katanggap-tanggap na pag-aayuno at hajj sa loob ng 20 na taon.  Sinuman ang magbanggit ng  mga ahaadeeth na ito ay kailangang mapaalalahanan tungkol sa sinabi ng propeta صلى الله عليه وسلم, “Sinuman ang magsabi ng isang kasinungalingan tungkol sa akin, siya ay gumagawa ng kanyang tahanan sa impiyerno.” (Saheeh Bukhari)

Ang ika-15 na gabi ng Sha’ban ay itinuring ng maraming taong kulang ang kaalaman na katulad ng gabi ng Laylatul-Qadr dahil sa maling pagkakaunawa ng Qur’an.  Inaangkin nilang ang ika-3 ayah ng surah ad-Dukhan (laylatim-mubarakah) ay tumutukoy sa ika-15 gabi ng Sha’ban, na kung kailan, ayon sa kanila, ay pinapatawad ni Allah ang kasalanan ng Kanyang mga alipin at dinadagdagan Niya ang kanilang mga edad at biyaya.  Ito ang dahilan kung kaya sila ay nanatiling gising sa gabing ito at nananalangin ng malakas ang boses.

Sinabi ni Allah sa Surah ad-Dukhan: “Ako ay nanunumpa sa Aklat na nagbibigay kaliwanagan.  Katotohanan ipinanaog Namin ito (Qur’an) sa oras ng Pinagpalang Gabi.  Katotohanan Kami ay lagi nang nagbabala.” (Surah ad-Dukhan 44:2)  Ipinipaalam ni Allah sa pamamagitan ng ayah na ito na Kanyang ibinaba ang Qur’an sa pinagpalang gabi.  Nasa Qur’an mismo ang paliwanag kung ano ang ibig sabihin ng pinagpalang gabi ayon sa sinabi ni Allah sa Surah al-Qadr:1, “Katotohanan Aming ipinanaog ang Qur’an sa gabi ng al-Qadr.”  Kung kaya kung ang ayah na ito ang pagbabatayan, ang pinagpalang gabi ay hindi ang ika-15 na gabi ng Sha’ban kundi ang gabi ng Qadr, na siyang dumarating tuwing pagsapit ng Ramadhan lamang.  Sinabi ni Allah sa Surah al-Baqarah 2:185, “Ang Ramadhan ang buwan nang ipinahayag ang Qur’an…”

Isa pang ligaw na paniniwala tungkol sa ika-15 na gabi ng Sha’ban ay ang nabanggit na pagbaba ng Ruh ayon sa Surah al-Qadr:4.  Dahil sa kakulangan ng kaalaman, maraming mga tao ang nagsasabi at nag-aakalang, ang ayah na ito ay tumutukoy sa pagbabalik ng mga kaluluwa ng mga namatay na upang muling makatagpo ang kanilang mga asawa at kaanak.  Dahil dito ang mga nabalo ay nag-hahanda ng mga pabioritong pagkain ng mga namatay nilang mga asawa noong ang mga ito ay nabubuhay pa.  Ang iba naman ay bumibisita sa libingan upang humingi ng kapatawaran para sa kasalanan ng mga taong namatay sa pagitan ng buwan ng Sha’ban na nakalipas na taon at ng kasalukuyang taon.

Sinabi ni Allah sa Surah al-Qadr 97:4, “Dito bumababa ang mga anghel at Ruh sa kapahintulutan ni Allah, hinggil sa mga Tadhana na ipinapasiya ni Allah.”  Una sa lahat ang ayah na ito ay tumutukoy  sa gabi ng al-Qadr at hindi ng gabi ng Sha’ban.  Pangalawa, ang kahulugan ng ang Ruh ay ang pagbaba ni Anghel Jibreel kasama ng ibang mga anghel at hindi ang pagbaba ng mga taong patay na (basahin ang Tafseer ibn Katheer).  Isa pa, ang paniniwalang ang pagbabalik ng kaluluwa ng mga namatay na ay isang maling uri ng paniniwalang hindi matatagpuan sa turo ng Islam.  Ayon sa Qur’an at turo ng propeta, ang mga kaluluwa ng mga patay ay malinaw ng hindi na bumabalik sa mundo.

Ang batayan tungkol sa pagbibisita sa mga libingan ay hindi rin mapananaligan.  Ayon sa hadeeth na ito, sinabi ni Ai’shah, “Isang gabi (ika-15 ng Sha’ban) napansin kong wala sa loob ng aking kwarto ang sugo ni Allah صلى الله عليه وسلم.  Kaya lumabas ako upang siya صلى الله عليه وسلم ay aking hanapin at siya صلى الله عليه وسلم ay aking natagpuan sa Baqi na nakatingala sa langit.  Sabi niya صلى الله عليه وسلم sa akin, ‘O Ai’shah natatakot ka bang gagawa ng masama si Allah at ang Kanyang Sugo laban sa iyo?’ Sagot ko, ‘Hindi ganoon kababaw ang aking pagkakakilala kay Allah at sa Kanyang sugo صلى الله عليه وسلم. Inisip kong baka ikaw ay may kailangan at ikaw ay pumunta sa iba mong asawa.’ Sabi niya صلى الله عليه وسلم, ‘Katotohanan si Allah ay bumababa sa kalagitnaan ng Sha’ban mula sa kalangitan upang patawarin ang mga tao at ang kanilang bilang ay higit pa sa dami ng mga buhok na matatagpuan sa balat ng mga alagang karnerong alaga ng tribung Kalb.” Ang ganitong hadeeth ay matatagpuan din sa Saheeh Muslim subalit hindi nabanggit ang ika-15 na gabi ng Sha’ban.  Ang hadeeth na ito ay nakasaad sa Sunan at-Tirmidhi at hindi mapananaligan kaya hindi katanggap-tanggap na patunay tungkol sa pagbisita sa mga libingan sa gabi ng ika-15 ng Sha’ban.

Pinahintulutan ng sugo ni Allah صلى الله عليه وسلم para sa mga kalalakihan ang bumisita sa mga libingan anumang oras ibig nila at manalangin para sa mga nakalibing dito.  Sinabi ng propeta صلى الله عليه وسلم, “Ipinagbawal ko sa inyo noon ang pagbibisita sa mga libingan, subalit ngayon ay aking sinasabi sa inyo na bumisita kayo sa mga libingan dahil katotohanan sila ay mga paalaala sa inyo tungkol sa kabilang buhay.” (Saheeh Muslim, 2131)  At itinuro rin ng propeta صلى الله عليه وسلم ang panalangin habang bumibisita sa mga libingan, “Ang kapayapaan ay matanggap nawa ng mga mananampalataya at mga Muslim mula sa mga naninirahan sa mga tirahang ito. Matanggap sana ng mga nauna sa amin at ng mga susunod sa amin ang awa ni Allah. At kami, sa kapahintulutan ni Allah, ay makakasama rin ninyo.” (Saheeh Muslim, 2127)  Subalit ang pagbisita sa mga libingan sa mga espesyal na mga araw ay hindi itinuro ng propeta صلى الله عليه وسلم at hindi rin ginawa ng kanyang mga kasamahan, kung kaya ang pagbisita sa mga libingan sa ika-15 ng Sha’ban ay kailangang iwasan dahil ito ay isang gawaing bago at  idinagdag sa relihiyon. Sinabi ng propeta صلى الله عليه وسلم, “… ang pinakamasama sa lahat ng mga gawain ay ang mga bago at idinagdag na bagay sa relihiyon dahil ang mga ito ay pagkaligaw at lahat ng mga nasa ligaw ay nasa impiyerno.”  (an-Nasa’ee)

Marami ring mga tao ang nagsisindi ng kandila sa ibabaw ng mga libingan, mga gawaing walang basehan sa Qur’an at sunnah.  Katunayan, ang pagsisindi ng kandila ay isang gawain ng mga taong sumasamba sa apoy.  Sinabi ni ibn Abbas, “Isinumpa ng propeta صلى الله عليه وسلم ang mga babaeng bumibisita sa mga libingan.  Isinumpa din ng propeta صلى الله عليه وسلم ang mga nagtatayo ng masjed sa ibabaw ng mga libingan at ang mga nagsisindi ng kandila sa ibabaw ng mga ito.” (Hasan, Abu Dawood, Ibn Majah, at-Tirmidhi at an-Nasa’ee)

Mga Paalaala para sa buwan ng Sha’ban

Kung may babayarang araw ng pag-aayuno dahil sa ang mga ito ay hindi nagawa ng nagdaang buwan ng Ramadhan, kailangang madaliing ito ay magawa bago dumating ang susunod na Ramadhan.   Hindi mainam ang pagpapaliban ng pagbabayad ng hindi nagawang pag-aayuno sa loob ng buwan ng Ramadhan hanggang sa dumating ang Ramadhan ng susunod na taon, maliban na lamang kung talagang kinakailangan.  Sinabi ni Aa’ishah, “Malimit akong magbayad ng hindi nagawang pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan at ito ay nagagawa ko lamang sa buwan ng Sha’ban.  (Saheeh al-Bukhari)

Sino man ang hindi makapag-ayuno upang bayaran ang hindi nagawang obligadong pag-aayuno sa nagdaang buwan ng Ramadhan bago dumating ang sumunod na buwan ng Ramadhan ay kinakailangan ng agarang pag-aayuno pagkatapos ng pangalawang Ramadhan at dagdag pa dito ay ang paghingi ng kapatawaran kay Allah at ang magpakain ng isang tao sa bawat araw ng pag-aayunong dapat na bayaran. (Ito ay ipinion ni Malik, Shafi’ee at  Ahmad)